Biyernes, Disyembre 13, 2013

Sumpain ang araw ng aking pagsilang



Sumpain ang araw ng aking pagsilang

Maglaho nawa ang araw ng aking pagsilang 
at ang gabi ng paglilihi sa akin.
Magdilim na nawa ang araw na iyon 
at huwag alalahanin ng Diyos, ni sikatan pa ng liwanag.
Angkinin iyon ng anino ng kamatayan,
tabingan ng ulap,
at harangan ng kadiliman.
Maging madilim ang gabing iyon,
huwag ibilang sa mga araw ng taon,
huwag ipasok sa kanilang kabuuan.

Ang gabing iyon - a, nawa'y maging mapanglaw,
wala nawang makaabot na sigaw ng kagalakan.
Sumpain iyon mga namumuhi sa liwanag,
ng mga Diyablo tumatawag.
Magluksa ang mga tala nito sa bukanliwayway,
mawalang- saysay ang paghihintay sa liwanag,
at kailanma'y di makita ang liwayway,
dahil hindi niyon sinarhan ang sinapupunan
upang di ko na makita kahirapan.

Bakit di pa ako namatay nang isinilang,
o sana'y wala nang hininga nang iluwal?
Bakit may mga tuhod pang tumanggap sa akin,
at dibdib na nagpasuso sa akin?
Noon pa sana'y natulog na ako't namayapa
sa piling ng mga hari at mga pinuno ng lupa
sa ipinatayo nilang libingang mararangya,
o ng mga prinsipeng may gintong kapiling
at kinabuburulang may pilak sa loob.
Bakit hindi ako iniluwal na agas,
gaya ng ibang di nasilayan ang liwanag?

Doo'y walang nanliligalig na tampalasan,
doo'y maginhawa ang mga bilanggo,
walang naririnig na tinig ng bantay.
doon ang maliit at malaki'y pantay-pantay,
doon ang alipi'y walang panginoon.

Bakit binibigyan ng liwanag ang sawimpalad,
at ng buhay ang namimighati
na naghahangad ng kamatayan - ngunit wala naman -
at hinahanap nila ito higit pa kaysa kayamanan.
Natutuwa pa sila pagsapit ng libingan.

Bakit liliwanagan pa ang nasa kubling landas
at hinahadlangan naman ng Diyos sa lahat ng panig?
Pagdaing ang idinudulot sa akin sa halip na tinapay,
at parang tubig namang bumubuhosang aking lungkot.
Pagkat sumapit ang kinatatakutan ko,
naganap ang pinangingilabutan ko.
Wala akong kapahingahan o kaginhawaan;
bagabag lamang, at walang kapayapaan!

Ang tulang ito ay mula sa aklat ni Job 

Walang komento :

Mag-post ng isang Komento